There is no fear in love, but perfect love casts out fear. For fear has to do with punishment, and whoever fears has not been perfected in love. (1 John 4:18)

Kumakain Ba Talaga Ang Mga Patay ng mga inilalagay na Pagkain sa Lamesa?

Ang Katawan po lamang ng tao ang nangangailangan ng pagkain, ang mga espiritu ay walang laman at buto at hindi po nila kailangan ng pagkain. 



Ang Panginoong Jesu-Cristo po ang nagpatunay kung ano ang kalagayan ng espiritu.
"Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin."(Lucas 24:39)

At hindi rin po babalik ang mga patay para kumain ng ating mga inilalagay sa lamesa o sa altar.

"Tulad ng ulap na napapadpad at naglalaho, kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo. Hindi na siya makakauwi kailanman, mga kakilala niya, siya'y malilimutan." (Job 7:9-10)

Marami po sa atin ang nagpapaloko sa mga albularyo na tayong mga buhay ay pweding maperwisyo ng mga patay. Ito po ay malaking panloloko!



Kung meron mang namatay na nagagalit sa iyo noong nabubuhay pa siya at sinabihan kang mumultuhin ka ay hindi niya na pwedi pang gawin yung mga bagay na masama na gusto niyang gawin sa iyo.



"Kung sila'y mamatay, balik sa alabok, kahit anong plano nila'y natatapos." (Awit 146:4)

Huwag po tayong maniwala sa mga sinasabi ng mga albularyo dahil bawal po ito ng Diyos.

"Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. Sinuman sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ng Panginoon na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo."(Deuteronomio 18:9-12)

Dapat po nating paniwalaan kung ano ang sinasabi at itinutoro ng Banal na Kasulatan o ng Bibliya dahil ito po ang nagsasabi ng Katotohanan.

Pinatunayan po ito ng Panginoong Jesu-Cristo.

"Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan."(Juan 17:17)



Read more

Naniniwala ka ba sa pamahiin?

Marami sa ating mga kapatid na hanggang ngayon ay naniniwala pa rin sa mga pamahiin at ang akala ng iba lalong-lalo na ang mga kabataan sa panahong ito ay itinuturo din ng simbahan para paniwalaan ang mga pamahiiin, subalit ito ay hindi totoo.



Ang katotohanan ay matatagpuan sa mga nakasulat sa Biblia, at pinatutunayan ito ng ating Panginoong Jesus. "Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan."(Juan 17:17)

Ayon sa Bibliya ang pamahiin ay hindi dapat paniwalaan ng isang naniniwala sa Diyos sapagkat ito ay kautosan lamang ng tao.

"Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?"(Colosas 2:20-22)

Sabi ng ilan, wala naman daw mawawala kung tayo ay maniwala.

Pero, ano nga ba? Totoo bang walang mawawala kung susubukan natin?

Kung ito ay ating paniniwalaan at gagawin, ang Bibliya mismo ang nagpapatunay na magiging walang kabuluhan ang pagsamba ng tao sa Diyos kapag sinunod ng tao ang mga ito na nanggaling lamang sa utos ng tao at hindi galing sa Diyos.

"Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. Nilisan ninyo ang utos ng Diyos, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao. At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos nga Diyos, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi."(Marcos 7:7-9)

Alam natin na kahit na may Bibliya na dapat pagbatayan ng katotohanan sa pananampalataya sa Diyos ay mas gugustuhin pa rin ng iba ang maniwala sa mga pamahiin dahil ito'y nangyayari pa rin.

Huwag po sana tayong maniwala sa mga daya ni satanas dahil kaya niyang magpanggap at gumawa ng mga kababalaghan. 

"Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan, At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas."(2 Tesalonica 2:9-10)

Kung iniibig natin ang katotohanan ay hindi dapat natin paniwalaan ang mga pamahiin na sumasalungat sa mga sinasabi ng Biblia.

Read more

Ang Masamang Damo Ay Matagal Mamatay: Totoo Ba Ang Kasabihan Na Ito?

Kung bibliya po ang ating pag-aaralan ay mali ang kasabihang ito.



 "Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at MAAGA SILANG MAMAMATAY sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos."(Mangangaral 8:13)

Kung meron man tayong nakikitang mga tao na gumagawa ng kasamaan at buhay parin hanggang ngayon ay may dalawang bagay po tayong dapat na malaman. 

Una, hindi pa po dumating ang oras ng kamatayan nila.

"Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas."(Mangangaral 8:8) 

Hindi batayan ang pagiging healthy, ang pagiging bata at pagiging masama para pigilin natin ang oras ng ating kamatayan na itinakda na ng Diyos sa ating lahat.

"Ang buhay natin ay lumilipas na parang anino,ang araw ng pagkamatay ay hindi maiiwasan,nakatakda na iyon at wala ng makakapagbago."(Wisdom 2:5)

Pangalawa, binibigyan ng Diyos ng pagkakataon na magsisi ang sinumang gumagawa ng kasamaan dito sa lupa para magsisi siya at magbagong-buhay.

 "Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama, sabi pa ng panginoon. ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay."(Ezekiel 18:23)


 "Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak."(2 Pedro 3:9)

Kaya habang buhay pa po tayo at nakakahinga ay huwag po nating sayangin ang ating mga buhay na maging alipin ng kasamaan.




“Kayo ang asin ng sangkatauhan. ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?”(Mateo 5:13)

Wala na po tayong magagawa para maibalik ang ating mga buhay, kaya gumawa ng kabutihan habang hindi pa huli ang lahat.

“Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?”(Marcos 8:37)

Sana hindi po mangyari sa atin ang nangyari sa isang mayaman na nagdusa sa lugar ng pagdurusa. Nagsisi man siya, subalit huli na ang lahat. 



“Sumagot ang mayaman, 'hindi po sapat ang mga iyon. ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan. sinabi naman sa kanya ni abraham, 'kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.”(Lucas 16:30-31)

Read more

Totoo Ba Talaga Na Nagpapakita Ang Mga Kaluluwa Ng Mga Namatay Na?



May mga taong nagsasabing nakakita sila ng mga kaluluwa dahil ang kanilang mga kamag-anak na namatay ay nagpapakita sa kanila. 

Ang mga patay ay hindi na puweding bumalik, dahil ang Bibliya mismo ang nagpatunay nito.



"Tulad ng ulap na napapadpad at naglalaho, kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo. Hindi na siya makakauwi kailanman, mga kakilala niya, siya'y malilimutan."(Job 7:9-10)

Kung hindi totoong nagpapakita ang mga namatay na, nangangahulogan nga ba na gumagawa lamang ng kwento ang mga kapatid natin na nagsasabing nakikita nila ang kanilang mga kamag-anak na namatay na? 





Malamang na ang iba sa kanila ay gumagawa lamang ng mga bagay na walang katotohanan para lamang mapansin, pero maaari rin na totoo  ang sinasabi ng iba na may mga nagpapakita, subalit hindi ito ang kanilang mga kamag-anak na namatay o sinumang tao na namatay na. 

Tandaan po natin na may mga anghel din si satanas na kasama niyang nagrebelde sa Diyos at ang mga ito ay tinatawag nating mga fallen angels.






“Go, cursed people, out of my sight into the eternal fire which has been prepared for the devil and his angels!”(Matthew 25:41)

Kung meron tayong naririnig na mga white lady, black lady, kapre, engkanto o anumang mga nilalang na nakakatakot ay sila po ang mga fallen angels na kasama ni satanas na nagrebelde sa Diyos.





Kasama po sila sa mga sinasabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-efeso.


"Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito---ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid."(Efeso 6:12) 





At pwedi po nilang gayahin ang mukha ng kahit sinong tao na namumuhay dito sa mundo, kaya hindi kataka-taka na kahit mukha ng mga namatay na ay kaya din nilang gayahin.


"Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan."(2 Corinto 11:14)


Bakit po ito ginagawa ni satanas kasama ng kanyang mga anghel?


Una, dahil alam ni satanas na marami sa atin ang hindi nagbabasa ng Bibliya. Alam din ni satanas na magiging totoo ang sinasabi sa Bibliya na darating ang panahon na marami sa mga tao ang hindi na makikinig sa itinutoro ng Banal na Kasulatan, sa halip mas paniniwalaan nila ang mga kwento na walang katotohanan




"Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga alamat."(2 Timoteo 4:4)

Gusto ni satanas na paniwalain ang mga tao sa kasinungalingan dahil siya mismo ang ama nito.



“Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan.”(Juan 8:44)

Pangalawa, gusto ni satanas na lahat ng mga tao lalong lalo na ang mga kabataan ay matakot sa mga kwento at mga kababalaghan. 



Ang takot ay isa sa mga paraan ni satanas para maihiwalay ang buong pananampalataya ng tao sa Diyos. 

Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.”(1 Juan 4:18)



Read more