Ang katotohanan ay matatagpuan sa mga nakasulat sa Biblia, at pinatutunayan ito ng ating Panginoong Jesus. "Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan."(Juan 17:17)
Ayon sa Bibliya ang pamahiin ay hindi dapat paniwalaan ng isang naniniwala sa Diyos sapagkat ito ay kautosan lamang ng tao.
"Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?"(Colosas 2:20-22)
Sabi ng ilan, wala naman daw mawawala kung tayo ay maniwala.
Pero, ano nga ba? Totoo bang walang mawawala kung susubukan natin?
Kung ito ay ating paniniwalaan at gagawin, ang Bibliya mismo ang nagpapatunay na magiging walang kabuluhan ang pagsamba ng tao sa Diyos kapag sinunod ng tao ang mga ito na nanggaling lamang sa utos ng tao at hindi galing sa Diyos.
"Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. Nilisan ninyo ang utos ng Diyos, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao. At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos nga Diyos, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi."(Marcos 7:7-9)
Alam natin na kahit na may Bibliya na dapat pagbatayan ng katotohanan sa pananampalataya sa Diyos ay mas gugustuhin pa rin ng iba ang maniwala sa mga pamahiin dahil ito'y nangyayari pa rin.
Huwag po sana tayong maniwala sa mga daya ni satanas dahil kaya niyang magpanggap at gumawa ng mga kababalaghan.
"Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan, At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas."(2 Tesalonica 2:9-10)
Kung iniibig natin ang katotohanan ay hindi dapat natin paniwalaan ang mga pamahiin na sumasalungat sa mga sinasabi ng Biblia.